Arestado ang isang 39-anyos na pastor sa Pasig City matapos itong kasuhan ng 12 bilang ng statutory rape na umano’y ginawa laban sa isang menor de edad na miyembro ng kanilang simbahan.
Inaresto ng mga awtoridad sa Pasig City ang isang 39-anyos na pastor na nahaharap sa 12 bilang ng kasong statutory rape matapos umano nitong pagsamantalahan ang isang menor de edad na miyembro ng music ministry ng kanilang religous group.
Ayon kay Pasig City Police Chief P/Col. Hendrix Mangaldan, miyembro ng choir ang biktima at umano’y naganap ang pang-aabuso tuwing Sabado matapos ang choir practice sa loob mismo ng simbahan.
Nagsampa ng reklamo laban sa pastor ang ama ng biktima na miyembro rin ng naturang simbahan.
Sa isinagawang imbestigasyon, natuklasan sa cellphone ng biktima ang umano’y palitan nila ng suspek ng mga mensaheng may malambing na nilalaman.
Lumabas din sa imbestigasyon na ang nakatatandang kapatid ng biktima ang unang nakadiskubre sa umano’y lihim na relasyon ng dalawa at pinayuhan ang menor de edad na lumayo sa pastor.
Samantala, mariing itinanggi ng suspek ang mga akusasyon at iginiit na walang katotohanan ang mga paratang laban sa kanya. Itinanggi rin nito na naganap ang umano’y pang-aabuso sa loob ng simbahan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa kaso habang nasa kustodiya na ang suspek.










