--Ads--

Sa kauna-unahang pagkakataon, direktang itinuro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng umano’y pagkukulang sa pagpapanagot sa mga nasa likod ng mga kuwestiyonableng flood control project.

Ayon sa pangulo, matagal nang kinikilala na may mga problema sa naturang mga proyekto, ngunit wala umanong naparusahan o napanagot sa mga responsable. Dahil dito, sinabi niyang ang kasalukuyang administrasyon na ang nagsasagawa ng mga hakbang upang matukoy at mapanagot ang mga sangkot.

Inamin din ni Marcos na marami pang kailangang gawin ang pamahalaan pagdating sa pagsisiyasat at pagtugon sa mga kaso ng korapsyon.

Samantala, tinutulan ng pangulo ang mga panawagang magbitiw siya sa puwesto bunsod ng mga alegasyong inuugnay sa kanya sa umano’y malawakang anomalya.

--Ads--

Itinanggi rin niya ang paratang na namimili lamang ang administrasyon ng mga iniimbestigahan at pinapanagot. Binigyang-diin ni Marcos na ang paghahain ng mga kaso at iba pang hakbang ng gobyerno ay nakabatay sa ebidensiya at resulta ng imbestigasyon, at hindi umano sa anumang motibong pampulitika.