--Ads--

Humiling si Senadora Imee Marcos ng agarang pagpasa ng panukalang batas na layong magbigay-ginhawa sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pagbawas ng buwis, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin dulot ng krisis sa langis sa world market.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2005, isinusulong ni Marcos ang pagtaas ng income tax exemption mula P250,000 hanggang P500,000 taun-taon, upang mas malaki ang maiuuwi ng mga manggagawang Pilipino. Kasama rin sa panukala ang pagtaas ng tax-free ceiling para sa mga bonus, kabilang ang 13th month pay at iba pang benepisyo, mula P90,000 hanggang P200,000.

Ayon sa senadora, ang panukalang batas ay makatutulong upang matugunan ang pang-araw-araw na gastusin ng mga pamilya, lalo na sa gitna ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng bilihin at langis. Aniya, makikinabang hindi lamang ang mga manggagawa kundi pati ang mga maliliit na negosyo at sektor ng transportasyon na labis na apektado ng mahal na presyo ng petrolyo.

Binanggit ni Marcos na ang panukala ay pansamantalang lunas sa kasalukuyang krisis, at dapat agad itong ipatupad upang hindi na lumala ang epekto sa ekonomiya at kabuhayan ng ordinaryong Pilipino. Ayon sa kanya, kung hindi kayang agad kontrolin ng pamahalaan ang presyo ng langis, ang pagbibigay ng mas malaking kita sa mga mamamayan ay isang paraan upang matustusan ang kanilang pangunahing pangangailangan.

--Ads--

Dagdag pa ng senadora, ang panukala ay maaari ring magsilbing insentibo sa mga employer na magbigay ng mas mataas na benepisyo sa mga empleyado, habang pinananatili ang proteksyon sa kita ng bawat manggagawa.