--Ads--

‎Pinaghahandaan na ng pamahalaang lungsod ng Cauayan ang nalalapit na pagdiriwang ng 25th Cityhood Anniversary, kabilang na ang paglalatag ng mga karagdagang parking lot upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa panahon ng selebrasyon.

‎Ayon kay POSD Chief Pilarito Mallillin, nakikipag-ugnayan na ang kanilang tanggapan sa ilang mga establisimyento sa lungsod na maaaring magbigay ng lugar na pansamantalang magsisilbing parking area para sa mga sasakyan ng mga dadalo sa mga aktibidad.

‎Kabilang sa mga nakikitang posibleng gawing parking area ang isang malaking mall sa lungsod at ilang bahagi ng Barangay Cabaruan, na inaasahang makatutulong upang maibsan ang posibleng pagdami ng mga sasakyan sa mga pangunahing kalsada sa lungsod.

‎Layunin ng naturang hakbang na mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko at maging komportable ang paggalaw ng mga motorista at mga bibisita sa lungsod sa panahon ng selebrasyon.

--Ads--

‎Sa ngayon, wala pa umanong inilalabas na opisyal na listahan ng mga aktibidad na may kaugnayan sa pagdiriwang ng 25th Cityhood Anniversary ng Lungsod ng Cauayan, subalit patuloy na ang paghahanda ng mga kinauukulang tanggapan upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng publiko sa oras na magsimula ang mga programa ng lungsod.