--Ads--

Naging emosyonal si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang talumpati sa Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) Summit 2024 matapos ibahagi ng isang survivor ang kaniyang naging karanasan sa sexual abuse.

Ayon kay PBBM, ang pang-aabuso sa mga bata ay isang “worst crime against humanity” kaya titiyakin ng pamahalaan na masugpo na ang ganitong klase ng krimen.

Iginiit ng pangulo na dapat magsumikap ang mga opisyal ng pamahalaan dahil marami pang kailangan gawin para tuluyang matuldukan ang aniya’y nakaka-kilabot na problema ng pang-aabuso, lalo na sa mga kabataan.

Inilatag ni Pangulong Marcos ang ilang programang ginagawa ng pamahalaan gaya ng pagtatag ng Presidential Office for Child Protection at pagsasabatas ng Anti-OSAEC and Anti-CSAEM Act.

--Ads--

Sa datos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) mula Enero hanggang Setyembre, umabot sa 169 na biktima ng online sexual abuse at exploitation ang nasagip mula sa ikinasang halos isandaang operasyon.

Mula naman Enero hanggang Hunyo, mahigit 22,000 kabataan ang nakaranas ng physical, sexual, emotional, at psychological na pang aabuso, batay sa Violation Against Women and Children (VAWC) record ng DILG.