--Ads--

Naglaan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng karagdagang ₱3 bilyong pondo para sa Department of Migrant Workers (DMW) upang matiyak ang ligtas na repatriation at sapat na suporta sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) na naapektuhan ng tensyon sa Middle East.

Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, gagamitin ang pondo para sa buong proseso ng pag-uwi ng mga OFW, kabilang ang pre-departure assistance, pamasahe sa eroplano, at mga programang pangkabuhayan at re-integrasyon upang matulungan silang makapagsimulang muli sa bansa.

Batay sa pinakahuling datos, umabot na sa 10,446 Pilipino ang ligtas na naipauwi sa pamamagitan ng humanitarian flights ng DMW. Kabilang dito ang mga may karamdaman na nabigyan ng agarang tulong ng mga medical personnel habang nasa biyahe.

Sinabi ni Recto na direktiba ng Pangulo na tiyaking mabibigyan ng kinakailangang ayuda ang mga OFW hanggang sa kanilang pagbalik sa kani-kanilang mga lalawigan.

--Ads--

Pagdating sa bansa, makatatanggap ang mga repatriated OFW ng tulong pinansyal, psychosocial counseling, medical assessment, at assistance sa paghahanap ng trabaho.

Para naman sa mga nais magnegosyo, nagkakaloob ang Overseas Workers Welfare Administration ng hanggang ₱20,000 puhunan bilang suporta sa kanilang kabuhayan.

Samantala, nagsagawa na ang DMW ng 15 job fairs sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Naglaan din ang Department of Education ng mas mabilis na proseso ng pagtanggap para sa mga lisensyadong gurong OFW na nais makapagturo sa mga pampublikong paaralan.