Bilang bahagi ng mas pinaigting na paghahanda laban sa banta ng mga paparating na bagyo, tiniyak ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) Isabela na nakalatag na ang mga dagdag na hakbang para sa kaligtasan ng mga mamamayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Constante “Watu” Foronda, Provincial DRRM Officer, mas mainam na maging over-prepared ang lahat ng Municipal DRRMC’s ng Isabela kaysa mahuli sa oras ng sakuna.
Isa sa mga pangunahing hakbang na isinasagawa ay ang pagbubuo ng Water Search and Rescue (WASAR) Team. Ngayong araw, inaasahang mabubuo ang 6 na team na nakatalaga sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Ang ilan sa mga ito ay agad na ipapadala sa Northern Isabela, partikular sa mga bayan ng Tumauini, Cabagan, Sto. Tomas, Sta. Maria at San Pablo. Ito ang mga lugar na unang nakararanas ng pagbaha kapag tumataas ang lebel ng Cagayan River.
Patuloy ding minomonitor ng PDRRMC ang tubig na nire-release mula sa Magat Dam. Ipinaliwanag ni Foronda na kapag may nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal, naglalabas ng updates kada tatlong oras ang PAGASA kaya naman hinihikayat ang publiko na manatiling umantabay sa lagay ng panahon.
Nagpaalala rin ang PDRRMC sa mga residente sa mababahang lugar na maghanda nang lumikas. Nakaantabay na ang mga evacuation centers upang tanggapin ang mga apektadong pamilya. Para naman sa mga nakatira sa mga bahay na gawa sa light materials, mas makabubuting lumipat na sa mas ligtas na lugar bago pa man tumama ang matinding ulan at hangin.
Sa ngayon, tanging Palanan pa lamang ang nagkansela ng klase at ilang aktibidad bilang bahagi ng pag-iingat.








