--Ads--

Magiging abala ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council o PDRRMC Isabela kaugnay sa pagdiriwang ng Ika-37 National Disaster Resilience Month ngayong buwan ng Hulyo.

Sa temang “KUMIKILOS” (Kayang Umaksyon ng Mamamayan na Isabuhay ang Kahandaan ng bawat Isa para maging Ligtas sa Oras ng Sakuna), pinapakita ang kahalagahan ng pagkakaisa at kahandaan ng bawat isa sa harap ng sakuna.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PDRRM Offier Atty. Constante “Watu” Foronda sinabi niya na kabilang sa mga plano nilang isagawa ay ang bloodletting activity, tree branches pruning at waterways cleaning na mahalaga sa panahon ng mga kalamidad.

Kung susuriin ang mga nakalipas na taon ay naitala ang pagdami ng mga nagkasakit ng dengue dahil sa maulang panahon o rainy season.

--Ads--

Nararanasan ang kakulangan ng suplay ng dugo sa lalawigan na magagamit ng mga nagkasakit ng dengue kaya inilunsad ang bloodletting activity.

Magsasagawa rin sila ng branches pruning sa mga punong malapit sa linya ng kuryente upang ma-minimize ang power outtages na epekto ng malakas na hanging dala ng bagyo.

Maiging maagang matanggal na ang mga sangang nakalaylay sa mga kawad ng kuryente na maaring magdulot ng brownout.

Kapag hindi rin aniya matanggal ang ilang sanga ng puno ay mataas ang wind resistance nito na maaring magdulot upang matumba kaya kailangang tanggalan.

Bagamat katuwang aniya nila rito ang mga DRRM Offices, ISELCO, disaster response teams sa bawat LGU at ahensya ng pamahalaan ay hindi kakayaning maikot ang lahat ng lugar sa lalawigan para sa nasabing kampanya.

Isasagawa ang Tree branches pruning sa July 19, 2025, kung saan itinaon ito sa araw ng sabado upang walang pasok ang karamihan at makakasali pagtatanggal ng mga sanga ng puno sa komunidad.

Ipinaalala niya sa publiko na kanya-kanya na ang tree branches pruning sa mga punong malapit sa mga kabahayan para sa kaligtasan ng mamamayan.

Pwede na umanong umpisahan ito ng mga mamamayan kahit anong araw at oras dahil isa naman itong paghahanda sa mga darating na bagyo.

Maliban dito ay tututukan din nila ang mga lugar na laging binabaha tuwing may mga malalakas na pag-ulan.

Kailangan na aniyang maisagawa ang waterways cleaning habang wala pang malalakas na pag-ulang nararanasan.

Paraan din ito upang maiwasan ang mga sakit na dulot ng mga nagkalat na basura at stagnant waters tulad ng sakit na dengue at iba pa.

Ipinaalala ni Atty. Foronda ang kahalagahan ng pagiging preparado sa kalamidad upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na pangyayari.