--Ads--

Nakahanda na ang mga kagamitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) Isabela kaugnay ng inaasahang pagtama ng Bagyong Crising sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PDRRM Officer Atty. Constante Foronda, inihayag nito na nakalagay na sa mga sasakyan ng kanilang tanggapan ang mga gamit para sa Water Search and Rescue (WASAR) operations bilang bahagi ng kanilang paghahanda.

Gayunman, ipinaliwanag ni Foronda na nakadepende sa aktuwal na lagay ng panahon ang pag-deploy ng anim na WASAR teams.

Sa ngayon, wala pa umanong matitinding pag-ulan na nararanasan, kaya hindi pa ito agad ilalarga. Sakaling kailanganin, unang ide-deploy ang apat na teams na may drop-off point sa bayan ng Cabagan para sa Northern Isabela.

--Ads--

Ang natitirang dalawang teams naman ay itatalaga sa iba pang lugar na posibleng maapektuhan.

Ngayong araw ay nakatakdang magsagawa ng pulong ang Disaster Press Corps ng PDRRMC upang talakayin ang mga kinakailangan para sa pre-disaster response at isagawa ang kanilang pre-disaster assessment.

Ayon kay Atty. Foronda, isa sa mga inaasahang lubos na maaapektuhan ng bagyo ay ang hilagang bahagi ng Isabela, kaya ito ang kanilang magiging pangunahing tututukan.

Ngayong araw rin ay itataas sa blue alert status ang PDRRMC Isabela, kung saan kalahating puwersa ng kanilang weather monitoring team ang magbabantay bilang paghahanda sa epekto ng bagyo.

Dagdag pa ni Atty. Foronda, magsasagawa rin sila ng text blast kung kinakailangan upang agad na maabisuhan ang publiko hinggil sa mga posibleng panganib.

Paalala rin niya sa publiko na simulan na ang pagtatanggal ng mga sanga ng punong maaaring mabali at tumama sa mga kabahayan sa oras ng malalakas na pag-ulan at hangin.