Nilinaw ng Philippine General Hospital o PGH na hindi naka-confine sa isang “presidential suite” si Leyte Representative at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario, walang presidential suite ang ospital at hindi rin naka-confine si Romualdez sa psychiatry ward.
Sinabi ni Del Rosario na pinili ang kuwartong ginagamit ni Romualdez dahil madali itong maseguro, hindi makaaabala sa serbisyo ng ospital, at sapat ang laki para sa mga kinakailangang kagamitan at medical personnel.
Ito rin umano ang tanging natitirang malaking private room nang matanggap ng ospital ang kautusan ng korte.
Inilipat si Romualdez sa PGH mula sa Cardinal Santos Medical Center noong Sabado para sa independent medical assessment.
Inatasan ng Sandiganbayan ang mga doktor ng PGH na suriin kung kailangan niyang manatili sa ospital. Kung hindi, maaari siyang ilipat sa Quezon City Jail.
Ayon sa kanyang mga doktor, kailangan pa ring ma-confine si Romualdez dahil sa ilang kondisyon kabilang ang pabagu-bagong blood pressure at panganib ng stroke.
Samantala, haharap ngayong Setyembre 14 sa Sandiganbayan ang direktor ng PGH upang ilahad ang resulta ng medical assessment.











