Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na hindi maaabuso ang ipinatutupad nitong GAMOT o YAKAP Program kasabay ng pagpapalawak ng serbisyong pangkalusugan sa Northern Luzon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Edwin Mercado, President at Chief Executive Officer ng PhiHealth, sinabi nito na malaking progreso ang naitala sa Region 2 pagdating sa healthcare services, kung saan nangunguna ang Lungsod ng Ilagan.
Ayon kay Dr. Mercado, health-centric ang pamunuan ng lungsod at bihira aniya ang mayroong dalawang city hospital tulad ng Ilagan. Dagdag pa rito, unti-unti na ring naa-accredit ang iba’t ibang health facilities sa lungsod sa ilalim ng YAKAP program.
Dahil dito, napili ang nasabing lungsod bilang sentro ng paglulunsad ng programa hindi lamang para sa Region 2 kundi para sa buong Northern Luzon.
Ipinaliwanag ng opisyal na maaari ring ma-accredit ang maliliit na botika basta’t may lisensya mula sa Food and Drug Administration at kayang tumugon sa mga itinakdang pamantayan, kabilang ang pagkakaroon ng hindi bababa sa 54 na uri ng gamot na may iba’t ibang dosage at porma.
Aniya, malaking benepisyo sa mga botika ang pagiging accredited dahil maisasama ang mga ito sa listahan ng mga pasilidad na maaaring puntahan ng mga miyembro, at makikita rin sa kanilang online platform kung saan maaaring pumili ng clinic o pharmacy ang pasyente.
Gayunpaman, nilinaw ni Dr. Mercado na tanging ang mga accredited providers lamang ang maaaring magbigay ng gamot sa ilalim ng programa at kinakailangang sumunod sa mga itinakdang proseso tulad ng paggamit ng reseta na may QR code.
Binigyang-diin din nito na may ipinatutupad na mahigpit na monitoring system ang ahensya upang matiyak na hindi maaabuso ang programa. Kabilang dito ang field check utility, quality audit, at real-time tracking ng paggamit ng benepisyo ng bawat pasyente.
Bahagi ng pondo na dati’y napupunta sa hospitalization ay ilalaan din sa outpatient care upang maagapan ang mga sakit bago pa lumala, na makatutulong upang mapanatili ang sustainability ng programa.
Samantala, patuloy pang pag-aaralan ng PhilHealth kung sapat ang kasalukuyang P20,000 na taunang alokasyon para sa bawat benepisyaryo batay sa magiging datos ng paggamit nito ngayong taon.
Sa kabuuan, layunin ng GAMOT o YAKAP Program na mapalapit ang serbisyong medikal at access sa mga kinakailangang gamot ng mga Pilipino, habang sinisiguro na ito ay maayos na napapamahalaan at hindi naaabuso.










