Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magkakaroon ng P10 kada litro na diskwento sa mga produktong petrolyo para sa mga pampasaherong sasakyan (PUV) simula sa susunod na linggo.
Sa isang video message nitong Huwebes, ibinahagi ng Pangulo ang mga updates mula sa Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Committee meeting na ginanap noong Martes.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang pagpapalabas ng P10/L fuel subsidy ay magiging unti-unti at magsisimula sa Metro Manila bago ito ipatupad sa buong bansa.
“Sisimulan muna natin ito sa NCR (National Capital Region) sa susunod na linggo, una sa Commonwealth. Palalawakin natin ito sa mga susunod na araw sa Quezon Avenue, España, Zapote, A. Bonifacio, Rizal [Avenue], at Marcos Highway hanggang mapalawak natin ito sa buong bansa,” ani Marcos.
Ang nasabing subsidiya ay sasaklaw sa hanggang 150 litrong gasolina bawat linggo, at ito ay ipapatupad sa loob ng tatlong buwan.
Gayunpaman, tanging ang mga PUV driver na magpapakarga sa mga akreditadong gasolinahan na binabantayan ng Department of Energy (DOE) ang makikinabang mula sa diskwento.
“Mahalaga ito dahil hindi lang transport cost ang tinutugunan natin, pinipigilan din ang pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin,” dagdag pa ni Marcos.
Ang hakbang na ito ay inaasahang magdudulot ng kaginhawaan sa mga PUV drivers at makakatulong sa pagpapababa ng gastusin sa kanilang araw-araw na operasyon.











