--Ads--

Pinangunahan ng Department of Education Division o DEPED Ilagan at ng Pamahalaang Lungsod ng Ilagan ang Send-Off Program para sa mga delegado ng Lungsod ng Ilagan na magrerepresenta sa Cagayan Valley Regional Athletic Association o CAVRAA Meet 2026 na gaganapin sa Santiago City, Isabela.

Sa pagpapahayag ni Mayor Josemarie Diaz ng Lungsod ng Ilagan, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mga atleta sa pagpapakita ng kahusayan at determinasyon sa larangan ng sports, na nagsisilbing inspirasyon sa buong komunidad.

Ayon kay Mayor Diaz, ang mga atleta ay hindi lamang mga kinatawan ng lungsod sa paligsahan, kundi mga simbolo ng pagkakaisa, sipag, at dedikasyon ng mga Ilaguenyo.

Ang programang ito ay ginanap sa harap ng mga atleta, magulang, coaches, at mga guro na nagbigay ng buong suporta at mga mensahe ng pampatibay-loob sa mga delegado.

--Ads--

Bilang bahagi ng pagdiriwang, ipinakita ang mga handog na pagpapahalaga mula sa lokal na pamahalaan, kabilang ang mga uniform, sports gear, at mga kagamitan na magagamit nila sa CAVRAA. 

Hinikayat niya ang mga atleta na paghusayan upang maiuwi ang kampeonato na huling nakamit ng lungsod noong 2017 at 2018 edition ng CAVRAA.

Ang CAVRAA 2026 ay gaganapin sa Santiago City, Isabela mula Abril 12 hanggang 16, 2026 na magsisilbing kwalipikasyon sa mga atleta para makapasok sa Palarong Pambansa.

Samantala, umaasa ang Schools Division Office (SDO) ng Ilagan na mahihigitan ang nakuhang medalya sa CAVRAA Meet 2025.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jojo Ramos, Division Sports Officer at Education Program Coordinator ng SDO Ilagan, ibinahagi niya ang malaking pasasalamat ng kanilang mga atleta sa pamahalaang lungsod.

Ayon kay Ramos, lahat ng mga insentibo at kagamitan na kailangan ng mga atleta ay ibinigay ng pamahalaang lokal, kaya’t malaking tulong ito sa kanilang paghahanda para sa paligsahan.

Ang SDO Ilagan ay nagpadala ng 375 atletang sasali sa iba’t ibang sports events sa CAVRAA Meet 2025, at may kasamang 112 coaches at 116 Technical Working Group (TWGs) na magbibigay ng suporta at asistensya sa mga atleta sa kanilang mga sasalihang kompetisyon.