--Ads--

Sinabi ng Philippine Embassy sa Paris na may matibay na dahilan ang pamahalaan upang maniwalang nasa France si Zaldy Co at maaaring may mga ari-arian doon, subalit wala silang kapangyarihan upang siya ay imbestigahan o arestuhin.

Ayon kay Ambassador Eduardo de Vega, wala pang kumpirmadong presensya ni Co sa bansa, ngunit may mga ulat na posibleng nasa France siya at maaaring naghahanap ng asylum.

Ipinaliwanag niya na hindi maaaring magsagawa ng imbestigasyon o surveillance ang mga opisyal ng Pilipinas sa France dahil ito ay saklaw ng batas at soberanya ng bansa. Tanging mga awtoridad ng France lamang ang may hurisdiksyon sa ganitong mga usapin, at mahigpit din ang kanilang patakaran sa pagbabahagi ng impormasyon dahil sa privacy laws.

Dagdag pa niya, kung may umiiral na warrant of arrest, kinakailangang dumaan ito sa tamang proseso sa pamamagitan ng host government o Interpol.

--Ads--

Nilinaw rin niya na kahit makita man si Co ng mga opisyal ng embahada o Filipino community, wala pa rin silang kapangyarihang isagawa ang pag-aresto.

Posible ring nasa proseso ng asylum ang naturang indibidwal, kaya ang anumang aksyon ay kailangang sumunod sa legal na proseso sa France.