--Ads--

Usap-usapan ngayon ang isang bahay sa Aucallama, Peru dahil sa pambihirang sukat nito may lapad lamang itong 63 sentimetro (nasa 24 pulgada), na posibleng tanghaling pinakamakipot na bahay sa buong mundo.

Dinisenyo at pagmamay-ari ng lokal na residenteng si Fabio Moreno, layunin ng makulay na bahay na patunayang hindi nakabase sa laki ng espasyo ang kaligayahan, kundi sa kung paano mo ito pinakikinabangan.

Sa kabila ng sobrang liit na sukat, kumpleto ito sa pasilidad ng isang modernong tahanan. Kasya sa loob nito ang banyo, kusina, dining room, pasilyo, kwarto, study area, laundry area, at may dalawa pang hagdanan na nagkokonekta sa dalawang palapag nito.

Matatagpuan ang bahay sa tapat mismo ng main square ng Aucallama at bukas ito para sa mga turistang nais sumilip. Gayunpaman, dahil sa sobrang sikip, imposibleng magkasya ang dalawa o higit pang tao nang sabay sa loob kaya’t kailangan itong pasukin nang paisa-isang tao lamang.

--Ads--

Nakapagpasa na ng aplikasyon si Moreno sa Guinness World Records para sa opisyal na titulo. Bagama’t hinihintay pa ang masusing beripikasyon at opisyal na pagsusukat ng mga eksperto, kumpyansa siyang maiuuwi ang nasabing world record.