--Ads--

Patuloy ang pag-angat ni Alex Eala matapos ang kahanga-hangang kampanya sa WTA 1000 Dubai Duty Free Tennis Championships kung saan umabot siya sa quarterfinals at halos kumita ng P6 milyon.

Sa kabila ng pagkasibak torneo, malaki ang naging bunga ng kanyang paglahok sa prestihiyosong palaro sa Dubai.

Mula sa ika-47 puwesto, umakyat si Eala sa No. 32 sa Women’s Tennis Association (WTA) rankings matapos makalikom ng 215 puntos, na nagdala sa kanyang kabuuang puntos sa 1,432. Isa itong malaking hakbang palapit sa inaasam na Top 30.

Tinapos ang makulay na paglalakbay ni Eala sa isang 6-0, 6-2 pagkatalo laban sa world No. 4 na si Coco Gauff ng Estados Unidos.

--Ads--

Naganap ang kanilang laban sa Aviation Club Tennis Center Stadium, kung saan nanaig si Gauff sa loob lamang ng 67 minuto.

Bukod sa pag-angat sa ranggo, nakasisiguro si Eala ng premyong $98,500 o tinatayang P5.7 milyon para sa kanyang quarterfinal finish.

Ang kampeon ng torneo ay mag-uuwi ng $665,000 at 1,000 puntos, habang $385,001 at 650 puntos naman ang para sa runner-up.

Bago ang impresibong pagtatapos sa Dubai, nakaranas si Eala ng maagang pagkalaglag sa WTA 1000 Qatar Open, dahilan ng kanyang pansamantalang pagbaba sa ranggo. Gayunman, mabilis siyang nakabawi at muling pinatunayan ang kanyang husay sa International Stage.

Sunod na hahamunin ni Eala ang sarili sa Indian Wells Open sa California mula Marso 4 hanggang 15, bago ang kanyang pagbabalik sa Miami Open sa Marso 17 hanggang 29.