Kinumpirma ni Senate President Alan Peter Cayetano ang napaulat na sunod-sunod na putok ng baril sa loob ng Senado nitong Miyerkules ng gabi, Mayo 13.
Sa kanyang Facebook Live, sinabi ni Cayetano na personal na kinumpirma ng Senate Sergeant-at-Arms ang insidente habang siya ay nasa loob ng Senado kasama ang iba pang mga senador.
Ayon kay Cayetano, kasalukuyan silang nasa caucus nang makatanggap ng ulat na may umano’y mga tauhan ng National Bureau of Investigation o NBI na nagtangkang pumasok sa gusali mula sa bahagi ng GSIS side, kung saan may nakita umanong nagbabarena sa pader.
Bagamat itinanggi umano ng NBI na kanilang mga tauhan ang mga nasabing indibidwal, sinabi ni Cayetano na nakatanggap siya ng opisyal na report na nagkaroon na ng putukan sa loob ng Senado.
Dahil dito, agad na ikinandado ang mga silid ng mga senador at kawani habang nananatili silang hindi makalabas at hindi masiguro ang kaligtasan ng iba pang staff.
Nanawagan si Cayetano sa Department of National Defense, Department of the Interior and Local Government, NBI, at iba pang awtoridad na agad linawin ang sitwasyon at ipaliwanag kung bakit umano nasa ilalim ng pag-atake ang Senado.
Iginiit din niya na handa siyang humarap sa anumang legal na proseso, kabilang ang pagsisilbi ng warrant, ngunit mariin niyang tinuligsa ang marahas na pangyayari sa loob ng institusyon.
Patuloy naman ang paghihintay sa opisyal na pahayag mula sa mga kinauukulang ahensya hinggil sa insidente.







