--Ads--

Tiniyak ni Interior Secretary Jonvic Remulla nitong Miyerkules na ligtas si Senador Ronald “Bato” dela Rosa at kasalukuyang nasa ilalim ng mahigpit na seguridad sa gitna ng tensyon at lockdown sa gusali ng Senado.

Ayon kay Remulla, ipinaalam kay Dela Rosa ang isinasagawang sweep operation sa buong gusali ngunit pinili nitong manatili at magpahinga sa kanyang tanggapan.

Binigyang-diin din ni Remulla na walang warrant of arrest na ipatutupad laban sa senador sa kasalukuyan, at personal siyang naroon upang tiyakin ang seguridad ng Senado at ng lahat ng mga senador.

Mas lalong uminit ang sitwasyon matapos marinig ang mga putok ng baril sa Senado habang nasa protective custody si Dela Rosa.

--Ads--

Nagsimula ang tensyon kasunod ng hindi paglalabas ng Korte Suprema ng temporary restraining order na hiniling ng senador kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court.

Sinabi ni Remulla na patuloy pang inaalam ng mga awtoridad sa pamamagitan ng CCTV footage kung ilan at sino ang sangkot sa insidente ng pamamaril.

Samantala, sinabi ni Senate President Alan Peter Cayetano na nagsasagawa rin ng masusing imbestigasyon upang mapanatili hindi lamang ang kaligtasan ng mga senador kundi maging ang integridad ng Senado bilang simbolo ng demokrasya ng bansa.

Patuloy naman ang floor-by-floor sweep operation ng mga awtoridad sa buong Senate complex upang matiyak ang seguridad ng lugar.