Inilagay ng Philippine National Police (PNP) sa alerto ang kanilang mga emergency at disaster response units upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa mga komunidad na maaaring maapektuhan ng Bagyong Francisco, na inaasahang magpapatindi rin sa Habagat sa buong bansa.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., patuloy ang koordinasyon ng PNP sa mga lokal na pamahalaan para sa preemptive evacuation at iba pang operasyon na layong masiguro ang kaligtasan ng mga residente sa mga apektadong lugar.
Batay sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), bagaman hindi inaasahang magla-landfall ang Bagyong Francisco, maaari nitong palakasin ang Habagat na posibleng magdulot ng malalakas na pag-ulan.
Dahil dito, naghahanda ang mga yunit ng pulisya sa mga karaniwang panganib tuwing may malalakas na pag-ulan, tulad ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa.
Hinimok ni Nartatez ang publiko na manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga opisyal na abiso habang patuloy na nagbabago ang lagay ng panahon sa mga susunod na araw.











