Inatasan ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng regional directors at police commanders na paigtingin ang koordinasyon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang higit pang mapalakas ang kampanya laban sa illegal logging at illegal mining sa buong bansa.
Ang direktiba ay kasunod ng pagkakaaresto sa tatlong indibidwal na sangkot umano sa ilegal na pagmimina sa Barangay Bahi, Barobo, Surigao del Sur, na nagdulot ng pinsala sa kalikasan.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi lamang responsibilidad ng DENR kundi ng lahat ng ahensya ng pamahalaan, sa pamamagitan ng matibay na koordinasyon at pakikipagtulungan sa mga lokal na komunidad. Aniya, ang pagkakaaresto sa tatlong illegal miners ay patunay na epektibo ang ganitong uri ng kooperasyon at layunin nilang ipagpatuloy ang ganitong kampanya.
Nasamsam mula sa mga suspek ang tinatayang P5 milyong halaga ng mga kagamitang ginagamit sa ilegal na pagmimina, kabilang ang water pump at backhoe.
Kasalukuyang nakadetine ang tatlong suspek sa Barobo Municipal Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Philippine Mining Act of 1995.











