--Ads--

Kinumpirma ni Interior Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla na nakausap niya si Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng mga posibleng hakbang ng senador kasunod ng inaasahang paglabas ng warrant of arrest mula sa Sandiganbayan.

Ayon kay Remulla, napag-usapan nila ang mga posibleng “options” ni Estrada kasunod ng paghahain ng kasong plunder at graft laban sa senador ng Office of the Ombudsman kaugnay ng umano’y iregularidad sa flood control projects at sinasabing ilegal na budget insertions sa Department of Public Works and Highways (DPWH), na may kabuuang umano’y kickbacks na umaabot sa P573 million.

Gayunpaman, tumanggi ang kalihim na isapubliko ang detalye ng mga naturang opsyon, at sinabing mananatili itong pribado hanggang sa tanggapin o tanggihan ito ni Estrada.

Samantala, sinabi ni Sen. Jinggoy na gagamitin ng kanyang kampo ang lahat ng legal remedy upang kuwestyunin ang mga kasong isinampa laban sa kanya.

--Ads--

Binanggit din ni Estrada ang isang liham mula sa Senate Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO) na nagsasabing wala siyang ginawang budget insertions sa 2025 national budget.

Ayon naman kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, ang mga kaso ay nag-ugat sa umano’y sistematikong proseso ng ilegal na budget insertions at proyekto sa loob ng DPWH infrastructure portfolio para sa fiscal year 2025.

Dagdag pa niya, ang mga pondo umano ay sadyang inilaan kapalit ng komisyon o kickbacks sa mga piling proyekto ng gobyerno.