Bumaba ng 3 porsyento ang presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado nitong Marso dahil sa sigalot sa Gitnang Silangan, na nagpababa ng demand mula sa Persian Gulf, kasabay ng pagdating ng bagong ani sa merkado.
Ayon sa FAO, bumaba ang All Rice Price Index sa 100.1 puntos mula 103.2 puntos noong nakaraang buwan at 3.8 porsyento mas mababa kumpara sa Marso ng nakaraang taon.
Ang sigalot ay nagdulot ng pagkaantala at rerouting ng mga shipment patungong Persian Gulf, kasama ang limitadong availability ng containers at tumataas na fuel at insurance surcharges. Gayunpaman, ang ibang pangunahing destinasyon ay hindi gaanong naapektuhan, at sinusubukan ang alternatibong ruta sa Strait of Hormuz.
Bukod sa digmaan, nakatulong sa pagbaba ng presyo ang pag-depreciate ng mga lokal na pera laban sa US dollar, partikular sa India, Thailand, at Vietnam—mga pangunahing rice exporters sa Asia. Sa Pilipinas, umabot sa 1.26 milyong metric tons ang na-import na bigas hanggang Abril 1, kung saan higit 80 porsyento ay mula Vietnam.
Dagdag pa ng FAO, kahit bumaba ang presyo, bahagyang naibsan ang pressure sa suplay dahil sa mas mataas na gastos sa pag-ani, milling, packaging, at internal transport na dulot ng tumataas na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.








