Inaasahang tataas ng humigit-kumulang P2 kada kilo ang presyo ng bigas sa lokal na pamilihan dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng krudo, ayon sa mga kinatawan ng industriya. Ayon sa kanila, ang pagtaas ng gastos sa logistics, at hindi kakulangan sa pandaigdigang suplay, ang pangunahing dahilan sa pag-angat ng presyo.
Sinabi ni Orly Manuntag, co-founder ng Philippine Rice Industry Stakeholders’ Movement (PRISM), noong Martes na ramdam na ang pagtaas sa parehong imported at lokal na bigas dahil kritikal ang papel ng fuel sa buong supply chain.
Aniya, bawat yugto ng produksyon at distribusyon ng bigas—mula pag-aani, pagpapatuyo, transportasyon, hanggang sa pagbebenta—ay nakadepende sa diesel, kaya sensitibo ang presyo sa galaw ng fuel.
Nilinaw niya na kahit may tensiyon sa Gitnang Silangan, bumaba ang pandaigdigang presyo ng bigas at hindi ito dahilan sa kasalukuyang pagtaas. Ayon sa PRISM, mula sa dating $450 kada metric ton, nasa $420–$410 na ang presyo sa merkado ng mundo.
Sa ilang pamilihan, umabot na sa P58 hanggang P60 kada kilo ang retail price ng imported rice, mas mataas kaysa sa target ng Department of Agriculture (DA) na P48–P50. Dahil dito, pinag-aaralan ng ahensya ang posibleng price cap sa ilalim ng Price Act upang maiwasan ang posibleng profiteering.
Ani Manuntag, kayang maabot ang P48–P50 na presyo kung matutugunan ang inefficiencies sa distribusyon. Binanggit niya ang halimbawa ng ilang retailers na kumukuha ng bigas mula sa malalayong lugar tulad ng Bulacan, imbes na mula sa Metro Manila, na nagdudulot ng dagdag na gastos sa transportasyon.










