Tiniyak ni Sen. Sherwin “Win” Gatchalian na prayoridad ng pamahalaan ang sektor ng agrikultura upang matugunan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis at pagkain sa bansa.
Sa panayam, sinabi ni Sen. Gatchalian na nakatuon ang planong “Bayanihan 3” hindi lamang sa usaping pangkalusugan kundi higit sa petroleum at food security, partikular na sa pagtulong sa mga magsasaka at mangingisda.
Ayon sa senador, kasalukuyang may inilaan na 10 bilyong pisong pondo bilang presidential assistance para sa farmers at fisherfolk, na maaari pang madoble depende sa pangangailangan. Dagdag pa niya, may mga nakahandang targeted programs upang direktang maramdaman ng sektor ang tulong ng gobyerno.
Binigyang-diin din nito ang pangangailangang pabilisin ng Department of Agriculture (DA) ang distribusyon ng ayuda lalo na’t patuloy ang pagtaas ng inflation na umabot na sa 4.1 porsyento.
Ayon kay Sen. Gatchalian, direktang naaapektuhan ang purchasing power ng mga mamamayan, kung saan tinatayang umaabot sa ₱1,500 kada buwan ang nababawas sa kakayahan ng isang pamilyang makabili ng kanilang pangangailangan.
Kaugnay nito, sinabi rin ng senador na may sapat na pondo ang pamahalaan, kabilang ang tinatayang ₱200 bilyon mula sa iba’t ibang programa gaya ng ayuda sa transport sector at assistance sa mga apektado ng economic crisis. Gayunpaman, iginiit niya na mas mahalagang mapabilis ang implementasyon ng mga programang ito.
Samantala, inihayag din ng Kongresista na patuloy nilang tinututukan ang pagtaas ng presyo ng bigas at kakulangan sa suplay, kung saan tinatayang may kakulangan ang bansa ng hanggang 3 milyong metric tons depende sa panahon.
Ayon pa sa kanya, kinakailangan ang balanseng polisiya sa pagitan ng importasyon at lokal na produksyon upang maiwasan ang kakulangan at pagtaas ng presyo ng pagkain.
Dagdag pa niya, dapat palakasin ang suporta sa lokal na produksyon sa pamamagitan ng modernisasyon at pagpapalawak ng mga programang tulad ng Kadiwa centers upang direktang maibenta ng mga magsasaka ang kanilang produkto.
Sa huli, binigyang-diin ni Gatchalian ang mahalagang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapanatili ng balanse sa presyo at suplay ng pagkain sa bansa.











