Posible umanong umabot sa P80 kada litro ang presyo ng diesel dulot ng tumitinding tensiyon sa Gitnang Silangan.
Inihayag ito ni Department of Energy (DOE) Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad sa pagdinig ng Senado.
Ayon kay Abad, maaaring umabot sa P80 kada litro ang presyo ng diesel kung isang bagsakang ipapatupad ng mga kompanya ng langis ang buong pagtaas sa pandaigdigang presyo ng langis, ngunit ang “staggered adjustments” ay maaaring makapagpagaan sa epekto nito sa mga mamimili.
Dagdag pa ni Abad, maaari ring tumaas ang presyo ng gasolina, ngunit maaaring umabot lamang sa P60 kada litro sa ilalim ng staggered adjustment scheme.
Sabi pa ni Abad, hinihimok ng DOE ang mga kompanya ng langis na isaalang-alang ang “staggered price increases” o unti-unting pagtaas ng presyo upang maibsan ang pasanin ng mga motorista.
Ang pahayag ni Abad ay kasunod ng tanong ni Senador Erwin Tulfo, chairman ng komite, tungkol sa posibleng epekto ng Middle East conflict sa mga presyo ng produktong petrolyo sa Pilipinas.











