--Ads--

Inanunsyo ng Department of Trade and Industry (DTI) nitong Sabado na nanatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin, sa kabila ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng krisis sa Middle East, ngunit posibleng tumaas ang mga ito sa kalagitnaan ng Abril, 2026.

Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, wala pang naitalang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing pangangailangan at prime commodities.

Saklaw nito ang humigit-kumulang 205 stock keeping units (SKUs) na ibinebenta sa mga supermarket, grocery, at online platforms. Inaasahang mananatili ang kasalukuyang presyo ng mga produktong ito hanggang Abril 16, habang may ilang produkto na posibleng manatili ang presyo hanggang katapusan ng Abril.

Nagpulong din ang DTI kasama ang mga manufacturer at retailer, na tiniyak sa ahensya na sapat ang suplay at imbentaryo, na nakatulong upang maiwasan ang agarang pagtaas ng presyo. Kabilang sa mga produktong minomonitor ay de-latang sardinas, corned beef, cup noodles, bottled water, kape, gatas, ilang dairy products, at kandila.

--Ads--

Ngunit nilinaw ni Roque na hindi lahat ng produkto ay sakop ng listahan, kaya maaaring magbago ang presyo ng ilang brand o variant. Pinayuhan ang mga mamimili na tingnan ang nakapost na listahan ng basic necessities and prime commodities (BNPC) sa mga grocery, supermarket, pati na rin sa opisyal na website at social media pages ng DTI.

Dagdag pa ng ahensya, nagpapatuloy ang lingguhang pagpupulong ng nito kasama ang mga manufacturer para patuloy na i-monitor ang sitwasyon pagkatapos ng Abril 16.

Ginawa ng DTI ang pahayag kasunod ng ulat ng Philippine Amalgated Supermarkets Association Inc. na ilang supermarket ang nagbabalak na magtaas ng presyo simula Abril 1, kabilang ang pasta, noodles, de-lata, at kendi.

Noong Biyernes, nilinaw ng DTI na ang automatic nationwide price freeze sa mga pangunahing bilihin ay hindi umiiral kasunod ng deklarasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng national energy emergency sa bisa ng Executive Order 110.

Ayon kasi sa Republic Act 7581 o Price Act, awtomatikong pini-freeze ang presyo ng pangunahing bilihin sa isang lugar kapag ito ay idineklara sa ilalim ng state of calamity, emergency, martial law, state of war, rebellion, o suspensyon ng writ of habeas corpus, maliban kung may espesyal na deklarasyon ang Pangulo.