--Ads--

Patuloy pa ring namamasada ang isang senior citizen mula sa Lungsod ng Santiago sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na direktang nakaaapekto sa kanilang kita.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ricardo Espiritu, isang tricycle driver, ibinahagi nito na sa loob ng 15 taong pamamasada, ngayon niya nararanasan ang pinakamabigat na sitwasyon dulot ng mataas na presyo ng gasolina.

Ayon sa kanya, bagama’t ramdam na ramdam ang epekto nito sa kanilang kita, hindi naman nila basta maitaas ang pamasahe dahil isinasaalang-alang din nila ang kakayahan ng kanilang mga pasahero.

Dahil dito, nakikiusap na lamang sila sa kanilang mga pasahero kung maaari itong magdagdag ng bayad upang kahit papaano ay makabawi sa kanilang gastusin sa gasolina.

--Ads--

Dagdag pa niya, umaabot sa humigit-kumulang limang libong piso ang kanyang nagagastos para sa maintenance nito upang mapangalagaan ang kaniyang kalusugan bilang isang senior citizen.

Sa edad na 68 anyos, aminado si Ginoong Espiritu na wala siyang ibang mapagkukunan ng kita kaya patuloy siyang namamasada upang matustusan ang kanyang pang-araw-araw na pangangailangan.

Kasabay nito, nananawagan siya ng tulong at konsiderasyon para sa sektor ng transportasyon na patuloy na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis.