Nagbabala si Senator Loren Legarda sa biglaang pagbagsak ng farm gate price ng sibuyas sa Nueva Ecija at Occidental Mindoro, mula P120–P150 kada kilo noong Enero 2026 hanggang P30–P40 noong Pebrero 2026.
Dahil dito, nalalagay sa bingit ng pagkalugi ang mga magsasaka kahit mataas pa rin ang presyo sa Metro Manila. Isa sa mga sanhi ng krisis ang maling oras ng pagdating ng imported na sibuyas, puno ang cold storage, at kahina-hinalang shipments sa Bulacan, na naglantad ng malalim na problema sa supply chain.
Naghain si Legarda ng resolusyon para imbestigahan kung sumunod ang Department of Agriculture, mga kaugnay na ahensya, at lokal na pamahalaan sa patakaran sa import calibration at cold storage, at upang papanagutin ang mga nasa likod ng iligal na importasyon at onion cartels.
Tinukoy sa resolusyon ang pagbagsak ng farm gate price, sabayang pagdating ng 4,000 metric tons ng imported na sibuyas sa kasagsagan ng anihan, at 82% occupancy ng cold storage na nagkait sa magsasaka ng imbakan.











