Itinaas ng United States Department of Agriculture (USDA) sa 46,000 metric tons ang forecast nito sa produksyon ng gatas sa Pilipinas ngayong 2026, mas mataas ng 24 porsiyento mula sa naunang pagtaya na 37,000 MT.
Ayon sa USDA, nakatulong sa pagtaas ng produksyon ang mga programa ng pamahalaan, kabilang ang pag-aangkat ng mahigit 1,400 dairy cattle mula Australia upang mapalawak ang bilang ng mga alagang hayop na pinagkukunan ng gatas.
Gayunman, nananatiling mababa ang produksyon kada hayop dahil sa mataas na gastos, kakulangan sa imprastraktura at hindi sapat na pagpapakain at pangangalaga.
Samantala, inaasahang aabot sa 212,000 MT ang konsumo ng gatas sa bansa ngayong taon, dahilan upang umabot sa tinatayang 166,000 MT ang kakailanganing importasyon para matugunan ang lokal na demand.






