--Ads--

Isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Cauayan ang isang public consultation at hearing kaugnay ng Proposed Schedule of Market Values (SMV) bilang bahagi ng proseso ng pagrepaso at pag-update ng market value ng mga lupa sa lungsod.

Sa isinagawang presentasyon, ipinaliwanag ng mga opisyal ang sub-classification criteria ng mga lupa, kabilang ang residential at commercial lands, na magsisilbing batayan sa pagtukoy ng halaga ng mga ari-arian sa lungsod.

Ayon sa presentasyon, ang residential lands ay hinati sa ilang kategorya tulad ng First Class (R1) at Second Class (R2). Ang mga lupang kabilang sa R1 ay karaniwang matatagpuan sa mga lugar na may konkretong kalsada, may maayos na access sa transportasyon, at malapit sa mga commercial area. Bukod pa rito, may kumpletong utilities tulad ng tubig, kuryente, at telepono. Ito rin ang may pinakamataas na residential land value sa lungsod.

Samantala, ang R2 naman ay matatagpuan din sa mga konkretong o asphalted na kalsada ngunit may bahagyang mas mababang market value kumpara sa R1, bagama’t mayroon pa ring maayos na access sa transportasyon at mga pangunahing pasilidad.

--Ads--

Ipinakita rin sa presentasyon ang proposed market values per square meter ng residential lands sa lungsod. Halimbawa, ang ilang lugar na nasa pangunahing kalsada ay maaaring umabot sa ₱5,200 kada metro kuwadrado sa ilalim ng R1 classification, habang ang ibang residential areas ay may mas mababang halaga depende sa lokasyon at klasipikasyon.

Tinalakay din ang commercial lands na hinati sa Third Class (C3) at Fourth Class (C4). Ang mga lupang kabilang sa C3 ay karaniwang matatagpuan sa mga lugar na may katamtamang aktibidad sa kalakalan at may average na bilang ng commercial establishments, habang ang C4 naman ay nasa mga lugar na may mas mababang antas ng komersyal na aktibidad at kadalasang may halo ng residential at commercial structures.

Layunin ng nasabing public consultation na mabigyan ng pagkakataon ang mga residente, negosyante, at iba pang stakeholders na maunawaan at makapagbigay ng kanilang opinyon hinggil sa ipinanukalang Schedule of Market Values para sa taong 2027.

Ayon sa pamahalaang lungsod, mahalaga ang ganitong konsultasyon upang matiyak na transparent, patas, at naaayon sa kasalukuyang kalagayan ng merkado ang magiging batayan sa pagpapahalaga ng mga ari-arian sa Cauayan City.