--Ads--

Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kahapon na posibleng magpataw ng provisional fare increase para sa lahat ng uri ng pampasaherong sasakyan kung umabot sa P60 kada litro ang presyo ng regular diesel, bunsod ng patuloy na tensyon sa Middle East.

Ayon kay LTFRB Chairman Vigor Mendoza, layunin ng hakbang na mabawasan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis sa mga drayber at operator ng public utility vehicles (PUV), habang pinapangalagaan pa rin ang kapakanan ng mga pasahero. Pinaalalahanan din niya na puwede agad bawiin ang fare hike kung bumaba ang presyo ng langis, upang hindi “ma-overcharge” ang mga pasahero.

Ani Mendoza, kung papayag ang mga lokal na kompanya ng langis na magpatupad ng staggered fuel price hikes, puwede rin itong ipatupad ng paunti-unti.

Sa kasalukuyang sitwasyon, tinitingnan ni Mendoza ang mababa sa P1 provisional fare hike para sa mga jeepney, habang puwede namang mas mataas ang dagdag para sa ibang mode ng pampublikong transportasyon.

Binanggit niya na ang huling fare adjustment para sa P2P o point-to-point bus ay noong 2014 pa, kaya mas mataas ang maaaring itaas upang masaklaw ang pagtaas at pagbaba ng maintenance at fuel costs sa nakalipas na dekada.

--Ads--

Binigyang-diin ng LTFRB na una nilang hakbang ay magbigay muna ng fuel subsidies sa PUVs bago magtaas ng pasahe.