
CAUAYAN CITY – Nagtamo ng malubhang sugat sa katawan ang isang pulis matapos sumalpok sa isang multicab ang minamanehong motorsiklo sa national highway sa Quirino, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Ang biktima ay si PSSg Jonas Aron, 38 anyos, miyembro ng Bagabag Police Station at residente ng Villa Coloma, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Ang tsuper ng multicab ay si Mark Anthony Tumanan, 20 anyos, binata at residente ng Poblacion West, Lamut, Ifugao.
Lumabas sa imbestigasyon ng Bagabag Police Station na human error ang naging sanhi ng aksidente .
Ang biktima ay galing sa isang training site bilang bahagi ng kanilang simulation exercises at pabalik na sa Bagabag Police Station nang mangyari ang aksidente.
Malakas ang ulan kaya hindi napansin ng pulis ang sumulpot na multicab na galing sa isang kalye na naging sanhi ng banggaan ng dalawang sasakyan.
Dinala sa ospital si Aron habang inihahanda ang kasong isasampa laban kay Tumanan.










