--Ads--

Iginiit ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte na ang kanyang panawagang huwag “i-demonize” ang China ay hindi nangangahulugang kinakampihan niya ang naturang bansa o isinusuko ang soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Sa isang Facebook post noong Agosto 5, sinagot ni Duterte ang mga puna ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Jay Tarriela kaugnay ng kanyang naunang pahayag tungkol sa usapin sa China.

Ayon sa kongresista, ang mga hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga bansa ay dapat idaan sa diplomasya at tamang proseso ng ugnayang panlabas, sa halip na sa mga pahayag na madaling mag-viral sa social media.

Binigyang-diin niya na ang pagiging makabayan ay hindi nasusukat sa matitinding pahayag sa publiko o sa dami ng media exposure. Aniya, mahalagang maprotektahan ang interes ng bansa sa pamamagitan ng tapang, talino, at diplomasya habang iniiwasan ang mga hakbang na maaaring magpalala ng tensyon sa rehiyon.

--Ads--

Pinuna rin ni Duterte ang umano’y pakikialam ng Coast Guard sa usaping may kinalaman sa foreign relations, na aniya ay hindi kabilang sa pangunahing mandato ng ahensiya. Hinikayat niya ang PCG na ituon ang kanilang tungkulin sa pagbabantay sa karagatan ng bansa.

Bukod dito, nagparinig din ang kongresista hinggil sa umano’y P10 milyong buwanang ayuda na aniya ay kanyang kukuwestiyunin sa tamang panahon.

Matatandaang nauna nang binatikos ni Tarriela ang pahayag ni Duterte na huwag “i-demonize” ang China sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa West Philippine Sea.