Iginiit ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela na China, at hindi ang Saligang Batas ng Pilipinas, ang dahilan kung bakit hindi matuloy ang eksplorasyon ng bansa sa sarili nitong likas na yaman sa West Philippine Sea.
Ito ang naging tugon ni Tarriela sa pahayag ni Sen. Robin Padilla na naging hadlang umano ang Konstitusyon sa mga naunang panukalang joint exploration ng Pilipinas at China sa ilalim ng mga dating administrasyon nina Gloria Macapagal-Arroyo at Rodrigo Duterte.
Ayon kay Tarriela, layunin ng Saligang Batas na matiyak na hindi maaabuso o mapagsasamantalahan nang hindi patas ang likas na yaman ng bansa.
Binigyang-diin din niya na pinawalang-bisa bilang unconstitutional ang Joint Marine Seismic Undertaking ng Pilipinas at China dahil saklaw ng kasunduan ang bahagi ng karagatang nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa, kung saan may karapatan ang Pilipinas sa mga likas na yaman.
Hindi rin natuloy ang panibagong plano para sa joint exploration noong 2018 matapos umanong tumanggi ang China na kilalanin ang pag-aari ng Pilipinas sa mga reserba ng langis at natural gas sa naturang karagatan.
Nilinaw naman ni Tarriela na pinahihintulutan ng Konstitusyon ang joint development kasama ang mga dayuhang korporasyon basta’t sumusunod ang mga ito sa mga itinakdang rekisito at sa Service Contract System.
Nag-ugat ang palitan ng pahayag matapos sabihin ni Tarriela na ang China ang dapat sisihin sa hindi pag-usad ng eksplorasyon sa Recto Bank, na posibleng makatulong sana sa suplay ng langis ng bansa sa gitna ng mataas na presyo ng petrolyo.






