Idineklara na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quirino ang state of energy emergency dahil sa lumalalang kakulangan sa suplay ng gasolina at pagtaas ng presyo ng enerhiya na dulot ng pambansang krisis sa enerhiya.
Sa ilalim ng Resolution No. 121-2026, pinahintulutan ang agarang paggamit ng Quick Response Fund at realignment ng ibang pondo upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng mga pangunahing serbisyo, lalo na sa kalusugan, kaligtasan, at disaster response.
Ayon sa mga opisyal, nagsisimula nang makaapekto ang kakulangan sa fuel sa kakayahan ng lalawigan sa emergency operations kaya’t pinaiigting ang energy conservation at contingency measures.
Tiniyak ng pamahalaang panlalawigan na patuloy ang koordinasyon sa mga national agency at pribadong sektor upang mapanatili ang serbisyo publiko sa gitna ng krisis.











