Itinaas na sa Red Alert Status ang buong lalawigan ng Batanes kasunod ng nararanasang malalakas na hangin, pabugso-bugsong pag-ulan, at paglakas ng alon sa karagatan dulot ng epekto ng Bagyong Inday.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PDRRM Officer Roldan Esdicul ng Batanes, sinabi niyang nagsisimula nang maramdaman sa lalawigan ang paglakas ng hangin kahit nasa ilalim pa lamang sila ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 2.
Ayon kay Esdicul, nakaranas pa ng mainit na panahon ang Batanes nitong Huwebes ngunit nagsimula nang umulan kagabi. Bagama’t hindi kalakasan ang ulan, kapansin-pansin naman ang paglaki ng mga alon sa karagatan.
Dahil sa banta ng masamang panahon, suspendido na ang klase sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa lalawigan. Gayunman, nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng mga tanggapan ng pamahalaan.
Sinabi rin ni Esdicul na nagsimula na ang kanilang paghahanda noong nakaraang araw sa pamamagitan ng pagpapaalala sa mga residente na maging handa at mag-ingat. Nakaantabay na rin ang mga disaster response personnel at mga kagamitan para sa agarang pagtugon sa anumang insidente.
Nakahanda na rin ang mga evacuation center sakaling kailanganing ilikas ang mga residente mula sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng bagyo. Patuloy din ang koordinasyon ng PDRRMO sa iba’t ibang ahensiya upang matiyak ang maayos na pagtugon sa anumang emergency.
Kabilang sa mga pangunahing ikinababahala ng mga awtoridad ang posibleng epekto ng bagyo sa sektor ng agrikultura. Ayon kay Esdicul, patuloy pa lamang na nakababawi ang mga pananim sa lalawigan kaya nangangamba silang mas lumakas pa ang hangin dulot ng epekto ng habagat at ng bagyo.
Samantala, ipinatutupad na rin sa lalawigan ang no-sail policy simula pa noong Miyerkules bilang pag-iingat sa mga mangingisda at iba pang sasakyang pandagat. Nakataas at nakaseguro na rin ang mga bangka sa mga ligtas na lugar upang maiwasan ang pinsala.
Nanawagan naman si Esdicul sa publiko na manatiling mapagmatyag, sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad, at unahin ang kaligtasan habang patuloy na binabantayan ang galaw ng Bagyong Inday.











