Nakamit ng isang graduate ng Bachelor of Science in Psychology mula sa University of Saint Louis, Tuguegarao na tubong Ilagan City ang ika-10 puwesto sa katatapos lamang na Psychometrician Licensure Examination.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Haevin Manuel ang rank 10 sa katatapos na Psychometrician licensure exemination, sinabi niya na hindi naging madali ang kaniyang paglalakbay tungong tagumpay dahil hindi Psychology ang kanyang unang pinangarap na kurso dahil Nursing ang nais niyang tahakin.
Gayunman, bilang isang DOST scholar, kinailangan niyang pumili ng kursong accredited ng scholarship program, dahilan upang Psychology ang kanyang kunin.
Sa kabila nito, sinabi ni Manuel na pinili niyang pagbutihin ang kanyang pag-aaral at unti-unting minahal ang kursong una niyang hindi pinangarap.
Aniya, habang tumatagal ang kanyang pag-aaral, mas naunawaan niya ang kahalagahan ng Psychology, partikular ang pag-intindi sa ibang tao.
Dito rin umano niya natutunan ang kahalagahan ng empathy, kindness at compassion sa pakikitungo sa kapwa.
Matapos ang graduation nagtapos siya bilang cum laude at tatlong buwan lamang ang naging paghahanda niya para sa licensure examination.
Ibinahagi niyang isa sa pinakamahirap na bahagi ng kanyang journey ang preparation para sa board exam dahil kinailangan niyang magkaroon ng disiplina at isantabi ang ilang bagay upang makapag-focus sa kanyang pagsusulit.
Ayon sa kanya, naging malaking desisyon din ang pagkuha niya agad ng board exam dahil karaniwang isang taon munang naghahanda ang mga dating topnotchers mula sa kanilang unibersidad. Sa halip na maghintay ng isang taon, pinili niyang sumugal at kumuha agad ng pagsusulit matapos ang ilang buwang paghahanda.
Sinabi rin ni Manuel na naging mahalaga ang suporta ng kanyang pamilya, lalo na ng kanyang ina, sa pagpapatuloy niya sa kursong Psychology.
Nang lumabas ang pagsusulit hindi niya agad nalaman na kabilang siya sa mga Top notchers dahil ang tanging alam lamang niya ay pumasa siya sa exam.
Labis aniya ang emosyon ng malaman nila ang resulta dahil walang mapagsidlan ang kanilang kasiyahan sa kaniyang naging tagumpay.
Gaya ng ibang mga examinees ay naniwala at may sinunod siyang pamahiin gaya ng pagsusuot ng pulang underwear at ang pagtatasa ng lapis subalit hindi mga top notchers ang nagtasa nito kundi ang kaniyang pamilya.
Maliban dito ay ginawa rin niya ang pagsipa sa upuan at hindi na paglingon sa examination room matapos ang kaniyang pagsusulit at anumang mga gamit na kaniyang naiwan at hindi na rin niya binalikan.
Naging blessing in the sky din ang kaniyang pagpasa at pagkabilang sa top notchers dahil isang araw bago ang pagsusulit ay narinig niya ang isa sa mga signs na ipinagdasal niya sa Panginoon.








