--Ads--

Hinimok ng Our Lady of the Pillar Parish Church sa Cauayan City ang mga mananampalataya na makiisa sa paggunita ng Red Wednesday ngayong Nobyembre 18 sa pamamagitan ng pagsusuot ng pula at pagdadala ng kandila sa Banal na Misa mamayang alas-5:15 ng hapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Nathan Edica, Lector ng parokya, sinabi niyang layunin nitong ipakita ang pakikiisa at suporta sa mga Kristiyanong nakararanas ng diskriminasyon, panggigipit at pag-uusig dahil sa kanilang pananampalataya.

Aniya, ang kulay pula ay sumisimbolo sa dugo ng mga martir at Kristiyanong nag-alay ng buhay para sa kanilang pananampalataya, habang ang kandila ay sagisag ng liwanag, pag-asa at panalangin para sa mga inuusig.

Ang Red Wednesday ay kampanyang inilunsad ng Aid to the Church in Need noong 2015 upang bigyang-pansin ang paglabag sa religious freedom at kalagayan ng mga Kristiyanong inuusig sa iba’t ibang panig ng mundo.

--Ads--

Hinikayat naman ni Edica ang publiko na higit pa sa pagsusuot ng pula at pagdadala ng kandila, isabuhay ang mensahe nito sa pamamagitan ng pananalangin, paggalang sa paniniwala ng iba at pagtataguyod ng kalayaan sa relihiyon.