--Ads--

Naging pangkalahatang mapayapa ang paggunita ng Semana Santa sa Region 2 mula Marso 29 hanggang Abril 5, 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Sharon Mallillin, Spokesperson ng Police Regional Office 2 (PRO-2), sinabi nito na bagamat may mga naitalang insidente, nananatiling maayos ang sitwasyon sa buong rehiyon sa kasagsagan ng Holy Week.

Kaugnay nito, bumaba umano ang bilang ng drowning incidents ngayong taon kumpara noong nakaraang taon. Mula sa 11 kaso noong 2025, ay naitala na lamang sa 9 na insidente ngayong 2026. Sa naturang bilang, pito ang naitala sa Cagayan habang dalawa naman sa Isabela, partikular sa mga bayan ng Angadanan at Reina Mercedes.

Gayunman, tumaas naman ang bilang ng road crashes sa rehiyon. Mula sa 86 na kaso noong nakaraang taon, umakyat ito sa 98 ngayong taon. Sa datos ng pulisya, may walong kaso ng reckless imprudence resulting to homicide, 50 kaso ng physical injuries, at 85 kaso ng damage to property.

--Ads--

Ayon pa kay PMaj. Mallillin, isa sa mga naging dahilan ng pagbaba ng drowning incidents ay ang maagang deployment ng mga pulis sa mga lansangan, terminal, ilog at mga resort, gayundin ang mas pinaigting na information campaign at pakikipagtulungan ng komunidad.

Sa kabuuan, mahigit 8,400 na kapulisan ang idineploy sa buong Region 2 para sa police visibility at seguridad ng publiko. Patuloy rin ang pagbabantay ng PNP sa mga terminal at pangunahing kalsada lalo na sa pag-uwi ng mga bakasyunista.

Samantala, nagpasalamat ang PRO-2 sa publiko at iba’t ibang ahensya na tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan, habang pinaalalahanan ang lahat na manatiling maingat kahit tapos na ang Semana Santa, lalo na ngayong nagpapatuloy ang summer vacation hanggang Mayo 31.