Inirekomenda ng Office of the City Prosecutor sa Quezon City ang pagbasura sa reklamong inihain ni Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, laban sa ilang mambabatas at opisyal ng pamahalaan kaugnay ng pagbunyag sa kanilang bank transaction records.
Sa 23-pahinang resolusyon, sinabi ng QC Prosecutor’s Office na ang mga ginawa ng respondents ay may kaugnayan sa kanilang tungkulin bilang mga opisyal ng pamahalaan at hindi sa kanilang pribadong kapasidad.
Kabilang sa respondents ang ilang mambabatas, gayundin sina BSP Governor Eli Remolona Jr., Insurance Commissioner Reynaldo Regalado, SEC Chairperson Francis Edralin Lim at AMLC Executive Director Ronel Buenaventura.
Inireklamo sila ni Carpio dahil sa umano’y paglabag sa Bank Secrecy Law, Data Privacy Act at Anti-Money Laundering Act. Unang inihain ang reklamo noong Abril at sinundan ng supplemental complaint noong Hulyo.











