Kinumpirma ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na sasampahan ng kasong qualified human trafficking si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste at iba pang indibidwal kaugnay ng umano’y “honeytrap” plot laban kay Executive Secretary Ralph Recto.
Ayon kay Matibag, pormal na ihahain ngayong araw ang reklamo sa National Prosecution Service ng Department of Justice.
Nag-ugat ang kaso sa entrapment operation ng NBI kung saan naaresto ang isang talent manager at nailigtas ang ilang babae na umano’y inalok ng malaking halaga upang lumahok sa planong maglabas ng mga gawa-gawang alegasyon laban kay Recto.
Una nang ipinatawag ng NBI sina Leviste at dating Negros Oriental Rep. Jacinto “Jing” Paras para sa imbestigasyon. Itinanggi naman ni Leviste ang pagkakasangkot at iginiit ng kanyang abogado ang kanyang karapatang manahimik.
Sinabi rin ng NBI na mayroon itong sapat na ebidensiya upang ihanda ang kaukulang mga kaso matapos ang imbestigasyon sa umano’y planong pag-frame up kay Recto.











