Nagbibisikleta na lamang ang ilang residente sa lungsod ng Santiago dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Herman Orciquero, isang residente, sinabi niya na mas pinipili na niyang gumamit ng bisikleta kaysa motorsiklo upang makatipid sa gastusin sa gasolina. Aniya, malaki ang naitutulong nito upang mabawasan ang kanyang araw-araw na gastos, lalo na sa gitna ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Dagdag pa niya, bukod sa pagiging praktikal, nakakatulong din ang pagbibisikleta sa kanyang kalusugan dahil nagiging regular ang kanyang ehersisyo. Aniya, ito ay isang epektibong paraan upang makaangkop sa kasalukuyang sitwasyon ng mataas na presyo ng langis.
Samantala, may ilan pang residente ang nagsasabing unti-unti na rin silang lumilipat sa paggamit ng bisikleta o pampublikong transportasyon upang makatipid.





