Opisyal nang idineklara ng National Jury of Elections (JNE) ang right-wing candidate na si Keiko Fujimori bilang nagwagi sa pagkapangulo ng Peru. Kasunod ito ng naganap na run-off election laban sa left-wing na si Cong. Roberto Sanchez.
Sa opisyal na bilang ng boto na inilabas nitong Biyernes, nakuha ni Fujimori ang panalo matapos makasungkit ng 9,223,000 boto kumpara sa 9,173,000 ni Sanchez. Si Fujimori ay anak ng yumaong si dating Pangulong Alberto Fujimori na nakulong noon dahil sa mga paglabag sa karapatang pantao.
Sa kaniyang pahayag sa social media platform na X, sinabi ni Fujimori na handa niyang harapin ang bagong yugto ng pamahalaan nang may responsibilidad at pagpapakumbaba. Bitbit ang plataporma laban sa krimen, nangako siyang pag-iisahin ang bansa na matagal nang dumanas ng krisis sa politika at ekonomiya.
Samantala, inakusahan naman ng pandaraya at iregularidad ni Sanchez nang walang inilalabas na ebidensya, partikular na sa mga boto mula sa ibang bansa na nagpanalo kay Fujimori. Dinala na ni Sanchez ang kaniyang reklamo sa Inter-American Commission for Human Rights at nagbantang magpapasimula ng malawakang protesta.
Ayon sa mga political analyst, posibleng itulak ng kampo ni Sanchez ang impeachment laban kay Fujimori kapag naupo na ito sa pwesto sa huling bahagi ng Hulyo. Gayunpaman, nakasalalay ang tagumpay nito sa bagong tatag na Senado ng Peru na kasalukuyang nahahati ang puwesto sa pagitan ng magkabilang panig.
Sinuportahan si Fujimori ang ilang kilalang right-wing leaders, kabilang ang administrasyon ni US President Donald Trump at Javier Milei ng Argentina, dahil sa kaniyang mahigpit na diskarte sa seguridad sa rehiyon. Siya ang magiging ikasiyam na pangulo ng Peru sa loob ng nakalipas na sampung taon.











