--Ads--

Iginiit ni Leyte Representative at dating House Speaker Martin Romualdez na hindi siya papayag na gawing “scapegoat” sa umano’y flood control scandal at nanawagan sa Office of the Ombudsman na sundin ang rule of law at due process.

Ayon kay Romualdez, nanatili siyang tahimik noon bilang paggalang sa legal na proseso, ngunit aniya ay “ginamit” umano ang kanyang pananahimik upang makabuo ng maling naratibo laban sa kanya. Binigyang-diin niya na hindi siya mananahimik at hindi papayag na akuin ang kasalanan ng iba.

Ang pahayag ay kasunod ng naunang sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na naghahanda ang kanilang tanggapan ng kasong plunder laban kina Romualdez at dating Senate President Chiz Escudero kaugnay ng isyu sa pambansang badyet at flood control projects.

Iginiit din ni Romualdez na ang pambansang budget ay produkto ng proseso na kinabibilangan ng ehekutibo at lehislatura, at hindi desisyon ng iisang tao. Aniya, hindi siya bahagi ng bicameral conference committee at maliit na komiteng nagsasagawa ng detalyadong deliberasyon sa budget.

--Ads--

Dagdag pa niya, ang implementasyon ng mga proyekto, kabilang ang flood control, ay nasa ilalim ng ehekutibong sangay, partikular ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at doon aniya karaniwang nagaganap ang katiwalian kung mayroon man. Tiniyak din ni Romualdez na wala umanong “ghost” o substandard projects sa kanyang distrito at handa siyang ilabas ang listahan ng mga ito para sa beripikasyon.