--Ads--

Nanawagan si Reina Mercedes Vice Mayor Harold Respicio sa Supreme Court na agarang resolbahin ang mga kasong may kaugnayan sa pag-aresto kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Respicio, sinabi nitong layunin nilang magkaroon ng malinaw na jurisprudence o legal na batayan hinggil sa wastong proseso ng pag-aresto sa mga indibidwal na may warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Binigyang-diin niya na mahalagang matiyak ang pagtalima sa due process of law upang hindi basta-basta maalisan ng kalayaan ang sinumang indibidwal nang hindi napangangalagaan ang mga karapatan nito.

Ipinaliwanag ni Respicio na dapat umanong dumaan muna sa korte ng Pilipinas ang pagpapatupad ng ICC warrant upang matiyak ang legalidad ng proseso at mapangalagaan ang karapatan ng inaarestong indibidwal bago ito isuko sa ICC.

--Ads--

Giit niya, hindi umano nasunod ang naturang proseso sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte at nais nilang maiwasang maulit ito kay Sen. Dela Rosa.

Dagdag pa ni Respicio, hindi dapat talikuran ng Supreme Court ang tungkulin nitong resolbahin ang mga kasong nakahain sa harap nito dahil lamang sa posibleng maging epekto ng desisyon sa publiko at sa mga tagasuporta ng mga sangkot na politiko.