Inaprubahan na ang planong gawing ganap na training complex ang Regional Training Center 2 o RTC 2.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCol. Edwelito Rosales, Hepe ng RTC 2, sinabi niya na layunin ng naturang hakbang na palawakin ang kasalukuyang pasilidad ng training center upang mapataas ang kapasidad nito sa pagtanggap ng mga bagong recruits.
Sa oras na maisakatuparan ang proyekto, inaasahang mas marami pang aplikante ang maa-accommodate at mas mapapabuti ang kalidad ng pagsasanay na ibinibigay sa kanila.
Kaugnay nito, tinatayang aabot sa 1.19 bilyong piso ang ilalaan para sa pagpapatayo ng nasabing training complex. Posibleng kunin ang pondo mula sa national budget sa ilalim ng General Appropriations Act o GAA, partikular sa pondo ng Philippine National Police, katuwang ang Department of Public Works and Highways para sa implementasyon ng infrastructure project.
Dagdag pa ni PCol. Rosales, malaking tulong ang proyektong ito hindi lamang sa RTC 2 kundi sa kabuuang pagpapalakas ng hanay ng kapulisan sa rehiyon, lalo na sa patuloy na pagtaas ng pangangailangan para sa mas maraming well-trained personnel.
Sa kasalukuyan, hinihintay pa ang mga susunod na hakbang para sa implementasyon ng proyekto, kabilang ang detalyadong plano sa konstruksyon at timeline ng pagpapatayo ng nasabing pasilidad.








