--Ads--

Muling binomba ng Russia ang Kyiv, Ukraine gamit ang missiles at drones nitong Martes ng umaga, na ikinasawi ng dalawang katao at ikinasugat ng 10 iba pa.

Ayon sa mga awtoridad ng Ukraine, kabilang sa ginamit sa pag-atake ang ballistic at cruise missiles, gayundin ang mga drone.

Napinsala ang isang limang-palapag na residential building at isang malaking gusaling hindi tirahan. Iniulat din na nasira ang isang educational institution at ilang sasakyan ang nasunog.

Nag-deploy naman ng military aircraft ang kalapit na Poland upang protektahan ang airspace nito dahil sa lawak ng pag-atake ng Russia.

--Ads--

Naganap ang pag-atake isang araw matapos bumisita sa rehiyon ang mga emisaryo ni US President Donald Trump na sina Steve Witkoff at Jared Kushner bilang bahagi ng pagsisikap na muling buhayin ang naudlot na peace talks sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Nagkaroon ng magkakasunod na pagpupulong ang mga kinatawan ng US sa Kyiv at Moscow nitong mga nakaraang araw, kabilang ang pakikipagkita kay Russian President Vladimir Putin.