Nagbabala ang Russia nitong Lunes na magsasagawa ito ng sistematikong pag-atake sa Kyiv na tatarget sa mga pasilidad na may kaugnayan sa militar ng Ukraine at mga decision-making centers, kasunod ng isa sa pinakamabibigat na pambobomba sa kabisera mula nang magsimula ang digmaan.
Hinimok din ng Russia ang mga dayuhan, kabilang ang mga diplomat, na agad lumikas sa Kyiv habang sinabi ng Moscow na ang mga planong strike ay tugon sa umano’y mga pag-atake ng Ukraine laban sa mga sibilyan sa Russia.
Tumutol naman ang Ukraine sa babala ng Russia at iginiit na hindi ito magpapasindak. Sinabi ng Ukrainian government na ang pahayag ng Moscow ay bahagi lamang ng pananakot, habang tiniyak ng European Union na mananatili ang kanilang misyon sa Kyiv.
Patuloy ang rescue operations sa Kyiv matapos ang matinding pag-atake noong Linggo na ikinasawi ng dalawang katao at ikinasugat ng 91 iba pa. Ayon sa mga awtoridad, tinamaan at nasira ang humigit-kumulang 300 lugar sa lungsod, kabilang ang isang museo na nakatuon sa Chornobyl nuclear disaster.
Samantala, nagpatuloy rin ang pag-atake ng magkabilang panig sa iba’t ibang rehiyon. Sa Russia, may mga nasawi at nasugatan sa missile at drone attack sa Belgorod at Donetsk. Sa panig naman ng Ukraine, ilang katao rin ang namatay at nasugatan sa mga pag-atake sa Kherson, Kharkiv, Odesa, Dnipropetrovsk at Kramatorsk.
Patuloy ang tensyon sa gitna ng kabiguang makamit ang kasunduan sa tigil-putukan, habang kapwa inaakusahan ng Russia at Ukraine ang isa’t isa ng pagpapalala sa digmaan.











