--Ads--

Magsasagawa ng symposium hinggil sa wildlife conservation ang Lungsod ng Santiago bilang paghahanda sa nalalapit na pagdiriwang ng World Wildlife Day sa buwan ng Marso.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mario De Guzman II, City Environment and Natural Resources Officer ng Santiago City, sinabi niya na layunin ng aktibidad na palawakin ang kamalayan ng mga mag-aaral at mamamayan hinggil sa kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan at mga hayop.

Isasagawa ang symposium sa pakikipagtulungan sa Department of Education o DepEd, kung saan inaasahang lalahok ang mga mag-aaral at guro mula sa pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod.

Tatalakayin sa naturang programa ang mga umiiral na batas at lokal na ordinansa kaugnay ng wildlife protection, ang epekto ng ilegal na panghuhuli at kalakalan ng mga hayop, at ang mga hakbang na maaaring gawin ng kabataan upang makatulong sa konserbasyon.

--Ads--

Binigyang-diin din ng lokal na pamahalaan ang kahalagahan ng aktibong partisipasyon ng sektor ng edukasyon upang maitanim sa kaisipan ng mga kabataan ang kamalayan at responsibilidad sa pangangalaga sa kapaligiran.

Ang World Wildlife Day ay taunang ginugunita upang itaas ang kamalayan ng publiko hinggil sa ligaw na mga hayop at halaman at ang kahalagahan ng pagprotekta sa mga ito laban sa iba’t ibang banta.