--Ads--

Tinanggihan ng Department of Justice (DOJ) ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na mayroon siyang immunity laban sa kasong kriminal, at iginiit na ang naturang pribilehiyo ay eksklusibo lamang sa Pangulo bilang punong ehekutibo ng bansa.

Ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez, isinampa ng departamento ang kasong kriminal laban kay Duterte dahil hindi saklaw ng constitutional immunity ng Pangulo ang posisyon ng Bise Presidente.

Sinabi ni Martinez na malinaw ang posisyon ng DOJ na ang presidential immunity ay nakalaan lamang sa Pangulo bilang chief executive.

Ang pahayag ng DOJ ay kasunod ng pagkuwestiyon ng legal team ni Duterte sa hurisdiksyon ng Quezon City Regional Trial Court (RTC), kung saan iginiit nilang isa siyang impeachable officer at may limitadong procedural immunity habang nanunungkulan.

--Ads--

Nag-ugat ang usapin sa isinampang tatlong bilang ng kasong grave threats ng DOJ laban kay Duterte sa QC RTC Branch 98 kaugnay ng kanyang mga pahayag sa isang online press briefing noong Nobyembre 2024.

Nauna nang inirefer ng National Bureau of Investigation (NBI) sa DOJ ang usapin matapos magsampa ng mga reklamong grave threats at inciting to sedition. Kalaunan, ibinasura ng mga piskal ang reklamong inciting to sedition ngunit nakita nilang may sapat na batayan upang sampahan si Duterte ng kasong grave threats sa ilalim ng Article 282 ng Revised Penal Code kaugnay ng Cybercrime Prevention Act.

Humiling ang kampo ni VP Sara na ibasura ang mga kasong kriminal at ipagpaliban o bawiin ang arrest warrant laban sa kanya, dahil maaari umanong magkaroon ng malawak na implikasyong konstitusyonal ang pagsasakdal sa isang nakaupong Bise Presidente.

Iginiit din ng kanyang mga abogado na ang mga umano’y pagbabanta ay bahagi na ng impeachment complaint na dinidinig sa Senado, kaya may tanong kung maaari siyang sabay na harapin sa kasong kriminal para sa parehong mga pahayag.

Gayunman, hindi pinagbigyan ng QC RTC ang kahilingan ni Duterte. Noong Setyembre 4, nakakita ang Branch 98 ng probable cause sa tatlong bilang ng grave threats at naglabas ng warrant of arrest laban sa kanya, na may piyansang ₱120,000 para sa bawat kaso.

Dahil sa desisyon ng korte, magpapatuloy ang paglilitis sa kasong kriminal maliban na lamang kung magtatagumpay si Duterte sa iba pang legal na hakbang.